Bagamat hindi pa kumpirmado, naibahagi ni Jose Manalo (left) sa PEP ang pagbibiro sa kanya ng Kapamilya Network lady big boss na si Charo Santos tungkol sa posibilidad na pagkakaroon nila ni Wally Bayola ng show sa istasyon.
"Ewan ko kay Ma'am Malou (Choa-Fagar of TAPE). Binibiro niya kami kanina na puwede niya kaming gawan ng solo ni Wally. Hindi na ako nakasagot e. Hindi ko alam kung nagbibiro siya o ano e. Pero sabi niya, totoo. Kakausapin raw niya si Mr. (Tony) Tuviera. Sana..." says Jose.
Kapansin-pansin ang pagiging tahimik at hindi masyadong magulo nina Jose Manalo at Wally Bayola sa presscon para sa pelikulang kinabibilangan nila at pinagbibidahan nina Vic Sotto at Bea Alonzo, ang Pak! Pak! My Dr. Kwak, noong huwebes ng gabi sa Dolphy Theater, ABS-CBN 2 compound.
Malayo sa dating pagiging wacky at makukulit ang dalawa sa tuwing sasalang sila sa isang presscon.
Inalam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa interview namin sa kanila kung may kinalaman ba ang pagiging behave nila sa unang pagkakataong nakatungtong sila sa bakuran ng ABS-CBN 2.
"Nahiya lang," bungad na pag-amin ni Jose. "Hindi kasi, pag press ang kaharap mo, wala naman doon sa bahay mo talaga. Madalas mo kaming nakikita, napapanood mo kami, ganon kami kasaya. Siyempre, dito maayos lang nang konti. Ayaw lang naming ipakita yung kakulitan namin dito sa studio. Medyo nahiya," dugtong na paliwanag ni Jose.
"Ako, nilalamig talaga ako. Ang lamig-lamig," saad na rason naman ni Wally.
"Saka pagod. Nag-taping kami ng 'Juan for all (isang segment sa Eat Bulaga! na palabas sa GMA-7),' dalawang kalye yung pinuntahan namin. Sa Broadway na nga kami naligo. Hindi na kami nakauwi ng bahay, dumiretso na kami dito. Medyo pagod kami," paliwanag ni Jose.
Hindi man masyadong magulo, naging masaya naman ang batuhan ng mga jokes nina Wally at Jose kay Pokwang.
Base sa kuwentong nasagap namin, noong nagsisimula pa lang ang shooting ng movie, inulan nila ng tukso si Pokwang dahil nga first time nila itong nakasama sa isang project na nagkataong nagkaroon ng isyu kay Joey de Leon.
Noong taong 2008, gumawa ng kanta si Joey para sa Eat Bulaga! sa Los Angeles at tinawag niya ang former co-host ng Wowowee na "mukhang aswang."
Nasaktan nang husto si Pokwang sa pagpaparinig na ito ni Joey at maging ang kanyang anak ay naapektuhan sa patutsadang ito.
As fate would have it, nagkita si Joey at si Pokwang sa set ng pelikulang Pak! Pak! My Dr. Kwak, na co-produced ng Star Cinema at M-Zet Productions at duon ay nagkabati na sila. Ito ay nabalita sa PEP nuong April 6, 2011.
"Hindi naman. Ang asaran lang naman namin ni Pokwang, yung mga biruan lang. Pero yung tungkol sa show, hindi namin napag-usapan," paglilinaw ni Jose.
"Ang madalas na asaran namin ni Pokwang, yung pagkatao lang namin, yung harutan. Yung mga kabastusan. Yung mga ganon lang."
Hindi raw nasaksihan nina Jose at Wally ang pagbabati nina Pokwang at Joey de Leon. Naka-alis na raw si Joey nang dumating sila sa set.
"Galing kami ng 'Juan for all.' Galing kami ng malayong lugar kaya late kaming nakarating," pahayag ni Jose.
SAME ROOTS. "Hindi namin napag-usapan nina Pokwang yung pagkikita nila ni Joey. Ang napag-usapan lang namin nina Pokwang puro kabastusan at yung paano siya magluto. Yung pag-uumpisa niya, noong bata siya. Kung saan rin kami nag-umpisa. Kaya madaling nagkagaanan ang loob namin," dagdag pa niya.
Ang pagtungtong sa bakuran ng ABS-CBN 2 ay isa sa mga naisip rin na gustong gawin nina Jose at Wally.
"Oo naman. Hindi naman nawawala yun. Maliit lang naman ang mundo ng showbiz. Hindi naman habangbuhay nandoon ka lang sa istasyon mo. Parang Eat Bulaga!, galing dito, napunta lang sa kabila. Hindi ko naman naisip na hindi na kami makakatungtong dito. Darating talaga yung oras na makakatungtong din," pahayag ni Jose.
Paano nila nakabagayan agad si Pokwang samantalang ngayon lang sila nagkasama sa isang project?
"Bukod sa magaling na komedyante si Pokwang, yung istorya ng buhay niya na galing rin siya sa hirap. Magkakapareho kami. So, parang magkakaisang kulay lang kami," saad naman ni Wally.
"Hindi, yung kuwentuhan pa lang namin doon na kami nagkahulihan e. Kung ano meron si Pokwang sa comedy. Feeder rin si Pokwang e, mabilis pumik-ap e. Yung kuwentuhan pa lang namin, puro kalokohan na.
"Ibig sabihin puwede na naming i-apply sa set doon sa mga eksenang ginagalawan namin. Magaan ka-trabaho si Pokwang," pagsasalarawan ni Jose.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento